Muling sinipat ni Adreng ang tuktok ng puno ng mangga at tulad nga ng hinala niya'y naroon si Rosalia.
Tiniyak pa nito na hindi makita ang kalahati ng katawan niya at pumuwesto kung saan malagong-malago ang mga dahon. Ngunit nalimutan yata ni Rosalia na matalas ang kaniyang paningin at saulado niya na ang mga galawan nito.
"Bababa ka d'yan o tatadyakan kita?" hiyaw ni Adreng kay Rosalia.
Sa halip na sumagot ay nilingon lamang siya ni Rosalia na nagulat nang bahagya sa kaniyang sigaw.
"Hoy, Rosalia! Nakikinig ka ba? Puno namin 'yan," dagdag pa ni Adreng na nais talagang pababain si Rosalia.
Iniangat pa ni Adreng ang paa niya sa ere para ipakita kay Rosalia na seryoso talaga siyang sipain ito.
"Tanghaling tapat nariyan ka sa taas, ano ka, multo?!"
Sa sobrang inis sa walang tigil na bunganga ni Adreng ay binato ni Rosalia ng mangga ang kaibigan.
"Bababa na nga, e," inis niyang sagot.
Ilang minuto lang ay nakababa na nga si Rosalia bitbit ang isang plastic na punong-puno ng mangga.
"Ay, kailangan talagang sipain?" atungal ni Rosalia nang makita ang kalahati ng katawan niyang nakatumba na sa ilalim ng mangga. "Bababa naman, e. Can't wait?," padabog pa nitong sabi habang inaayos ang sarili para ikabit muli sa nakatumbang bewang-pababa.
"Can't wait, mo 'to. Inutusan ka lang naman raw ni Tiya Iseng na bumili ng paminta. Anong na-trip-an mo at pinagpiyestahan mo ang mangga? Echoserang manananggal 'to. Hoy! Trespassing yan kahit one-half!"