Sumula't sapul sa sinagwanang along padalisdis
Hininayang hiraya sa puso ng taong umiibig
Sinayaw sa pyesa, sa letrang uka-uka
Larawan, hangarin, mga panaginip na nagiba
Sinambit ang kwentong itinagong mahimbing
Nakabalumbon sa limot, sa sakit sapin-sapin
Iniyak sa buwan, sa kristala sa kalangitan
Miski bituin'y nahimlay, sa pasakit ng nakaratay
Tontong taong tinarantado, tilamsik ng impyerno
Kinuha ang puso, hinigop ang dugo
Matapos ilipad ng sampung metros sa liwaliw
Iniwan, ibinagsak, sa lupa nga'y nabaliw
Kaya't sa buwan nagtungayaw, sa hudas na Juan
Ililibot ng kalawakan ang hinaing na namasdan
At ang pasakit ay dadampi sa pisngi na ulan
Mga iniluhang limot na kung para saan
Sa pagputok ng pag-ibig ng pinipinong patay
Di magkamayaw ang daigdig niya sa baranggay
Sa maliit na gusaling, pinagpatong-patong na uway
Nakabalumbong na sulat ang siyang pinagmasdan
Walang takipsilim na yumapos sa malamig na bangkay
Sapagkat madla'y uhaw sa kwentong nasaksihan
Ni ang dugong umaagos ay di na natangay
Ang nakakasulasok na tingin ng taong minahal